Inilunsad ng Sigla Research Center katuwang ang Department of Sociology ng Mindanao State University-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT), Kapisanan ng mga Mag-aaral sa Sosyolohiya (Sociology Society), at CASSayuran ang campus leg ng Common Ground Program noong Miyerkules, ika-12 ng Nobyembre 2025 sa CASS E55.
Layunin ng naturang programa na magbigay espasyo at oportunidad para mapag-usapan ang mga isyung panlipunan na may kinalaman, ngunit hindi limitado, sa digital media, election integrity, at democratic participation. Sa pagkakataong ito, nakasentro ang tema sa "State of Trust between Media and Audience" na sumasalamin sa antas ng pagtitiwala ng mga Pilipino sa mass media outlets at sa mga alternatibong plataporma ng impormasyon.
Dinaluhan ng mga pahayagang pang-mag-aaral ng MSU-IIT gaya ng Silahis, Sidlak, Thu'um, The Motherboard, at CASSayuran, pati ng mga kabataang mag-aaral mula sa iba't ibang organisasyon at samahan, na nagpayaman sa diskusyon at pangkalahatang daloy ng programa.
Unang nagbigay ng lektyur si G. Ferdinand Sanchez II, Public Engagement Head ng Sigla Research Center, hinggil sa disinformation, influence operations, at mga hakbang tungo sa pagiging media-literate, critical thinker, at empowered media producer at consumer. Nagbahagi rin siya ng mga gawa at pananaliksik ng Sigla Research Center na maaaring ma-akses sa pamamagitan ng websayt nitong PH Disinformation Hub. Sumunod ang open forum, break-out sessions at pagbabahagi ng mga ideya at karanasan ng mga kalahok.
Nagkaroon ng dalawampung minutong brainstorming sa bawat break-out session, kung saan hinati ang mga kalahok sa tatlong pangkat. Kinatawan ang bawat pangkat ng mga miyembro ng pahayagang pang-mag-aaral at ng iba pang mag-aaral mula sa iba't ibang departamento at organisasyon.
Tinuon ng mga kalahok ang talakayan sa mga katanungang: dapat bang i-cancel ang mga media outlets na naglalathala ng maling impormasyon; may karapatan ba ang audience sa pagpili ng balitang i-cover; at puwede bang magkaroon ng aktibong partisipasyon ang publiko sa pamamahayag at maging tagapamahayag.
Ibinahagi ni Bb. Marie Izabelle Callo, 2nd year Political Science student at mula sa CASSayuran, bilang kinatawan ng ikalawang pangkat, ang kanilang kolektibong pananaw hinggil sa partisipasyon ng mga mamamayan (audience) sa pamamahayag. Ayon sa kanya, mahalaga ang kritikal na partisipasyon ng mamamayan sa mabuti at wastong pamamahayag, na nagbibigay diin sa kahalagahan ng ugnayan ng komunidad at media sa mas inklusibo, kolektibo, at malayang pamamahayag.
Nilinaw naman ni Jan Respicio ng Silahis na bagaman maaaring may maging pananaw ang audience sa mga balitang i-cover, nananatili pa rin sa media outlets ang pangunahing awtoridad. Sa huli, nagbigay daan ang sesyon sa pang-unawang dapat pagbalansehin ang responsibilidad at tungkulin ng mga media outlets bilang tagalikha ng balita at ng audience bilang kritikal at aktibong tagakonsumo nito.
Ayon kay G. Sanchez, "Even in the flaws of internet it remains a collective space when use intentionally" na nagpapakita na gaano man ka komplikado at talamak ang maling paggamit ng midya at alternatibong impormasyon, nanatili pa ring mabisang plataporma ang internet sa pagmumulat ng mga isyung panlipunan at sa paghahanap ng katotohanan.
Dagdag pa niya "Kung anuman ang itsura ng AI, anuman ang itsura ng technology natin, tayo pa rin ang may gawa nun, and tayo ang may say."
Tinapos ang programa sa pamamagitan ng isang photo opportunity at paggawad ng sertipiko sa tagapagsalita at mga kalahok. Nakatakda ring magdaos ang Sigla Research Center ng susunod na leg ng Common Ground sa Mindanao State University-Main Campus sa Marawi City.
Ang Sigla Research Center ay isang kolektibong grupo ng mga iskolar at lider ng komunidad na nakabase sa Pilipinas. Layunin nila ang lumikha ng ligtas at inklusibong pampublikong espasyo kung saan maaaring talakayin ang iba't ibang isyung panlipunan, tulad ng disinformation, eleksyon at pulitika, civil movements, at iba pa. Isa sa mga pangunahing inisyatibo nila ang Common Ground na nakapaglibot na sa iba't ibang paaralan at unibersidad sa bansa.
Isinulat ni Adrian Ala
Iniwasto ni John Vincent Balustre
Mga kuha ni Charlize Carvajal

Post a Comment
Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!