Wika ng Bayan, Kalasag ng Karapatan




Upang mapangalagaan ang ating karapatang pantao, nararapat lamang na maging maalam tayo sa mga batas ng ating bansa. Ngunit isang napakalaking kabalintunaan na ang Konstitusyon, na siyang maituturing na pinakamataas na batas ng bansa, ay nananatiling banyaga sa sarili nitong mamamayan. Ang bawat titik na nakalimbag dito, na dapat ay salamin ng ating pagkakaisa at kalayaan, ay nakasulat sa wikang mas naiintindihan ng iilan kaysa nakararami. Paano magiging tunay na atin ang batas kung hindi natin mabasa’t maunawaan sa sariling wika?


Mahigit tatlong dekada na ang nakalipas mula nang itakda ng 1987 Konstitusyon ang Filipino bilang pambansang wika. Totoo, mayroon nang salin ng Konstitusyon sa Filipino, subalit hindi ito sapat. Sapagkat sa isang bansang may humigit-kumulang 135 na katutubong wika, nananatili pa ring hadlang ang paggamit ng iisang pambansang wika lamang. Tulad ng isang tulay na bukas sa lahat ng nais makatawid, dapat ding maging daan ang batas sa bawat Pilipino anuman ang kanilang kinamulang wika—Filipino man, Bisaya, Ilokano, Waray, Kapampangan, o iba pa. Ngunit hanggang ngayon ay Ingles pa rin ang nangingibabaw sa mga Batas Republika na dapat ay para sa lahat. Ang mismong Saligang Batas na pinagmulan ng lahat ng batas ay nananatiling mahirap lapitan at unawain ng karaniwang mamamayan.


Hindi lamang ito usapin ng simpleng pagsasalin. Ito ay usapin ng katarungan at pagkakakilanlan. Ang batas na hindi nauunawaan ng taumbayan ay batas na nagsisilbi lamang sa may pribilehiyo. Kung hindi ito isasalin sa mga wika ng bayan, iilan lamang ang makikinabang dito at sa halip na magdulot ng ginhawa ay maaaring dagdag na balakid ito para sa mamamayan. Ang hindi malinaw na batas ay isang pader na hindi natitibag; hinahadlangan ang sambayanan na gamitin ang kanilang karapatan. Ang tunay na lakas ng Konstitusyon ay nasusukat hindi sa lawak ng banyagang mga salita o sa lalim ng talinghagang ginamit, kundi sa lawak ng pag-unawa ng bayan. Hangga’t hindi ito isinasalin sa sariling wika at sa iba pang pangunahing wika ng mga Pilipino, mananatili itong sagisag ng pagkakahiwalay ng pamahalaan at ng taumbayan.


Kamakailan lamang ay may panukalang inihain si Rep. Chel Diokno: ang House Bill No. 3836 o Batas sa Sariling Wika Act, na naglalayong isalin ang mga batas na may probisyong pang-kostudiya sa Filipino, Bisaya, at Ilokano. Bagamat hindi pa tuwirang tinutukoy ang mismong Konstitusyon, malinaw na mensahe ito: ang batas ay dapat marinig, mabasa, at maunawaan sa wika ng bayan. Kung maaari itong gawin sa mga batas bilang, nararapat lamang na pagtuunan ng pansin ang mungkahing gawin ito sa kabuuan ng Saligang Batas at sa mas maraming wika pa ng bansa.


Isipin natin: paano lubos na ipagtatanggol ng isang magsasaka, mangingisda, o manggagawa ang kanilang karapatan kung sila mismo ay hindi mabasa nang malinaw ang dokumentong magbibigay sana ng pangangalaga sa kanila? Hindi natin kinalakihang wika ang Ingles kaya napakahirap para sa marami na magsalita, bumasa, o umintindi nito. Ang Artikulo III o Bill of Rights na nagtatala ng lahat ng mga karapatan ng bawat Pilipino ay nananatiling tila lihim na kasulatan para sa mga hindi bihasa sa Ingles. Mistulang nawawalan ng saysay kung hindi rin naman maintindihan.


Katatapos lamang ng Bar Exams kung saan libo-libong Pilipino ang muling sumubok upang maging ganap na abogado. Isa itong paalala na kahit sa pinakamataas na antas ng pag-aaral ng batas, nananatiling hamon ang paggamit ng wikang banyaga. Kung ang mismong mga mag-aaral ng batas at mga naghahangad maging abogado ay kinakailangang magsanay nang husto upang maunawaan at maipaliwanag ang mga probisyon ng Konstitusyon at mga batas sa Ingles, mas lalo itong mahirap para sa karaniwang mamamayan. Ang pagsusulit na ito ay sumasalamin sa kung paanong ang ating sistemang legal ay nananatiling nakatali sa wikang hindi lubos na atin. Kung maisasalin sa Filipino at iba pang pangunahing wika ng bansa ang mga pangunahing batas, hindi lamang mga abogado ang may kakayahang umunawa at gumamit ng batas bilang sandata, kundi bawat mamamayang Pilipino.


Oo, mahirap gawin ito, kailangan ng mga dalubhasa sa wika at batas upang matiyak na tumpak at malinaw ang salin. Dagdag pa rito, ginagamit ang Ingles bilang wika ng ugnayan sa iba’t ibang dako ng bansa at sa pakikipagtalastasan sa mga banyaga. Kaya naman mas mainam, lalong-lalo na para sa mga namumuno sa pamahalaan, na mailahad nang mabisa sa mga banyaga ang mga nakapaloob sa ating Konstitusyon. Ngunit hindi dapat ito ang punto ng paggawa ng ating mga batas. Nararapat nating tiyakin na ang bawat Pilipino, saanman sa bansa, ay may kakayahang unawain at ipaglaban ang kanilang mga karapatan.


Noong nakaraang buwan lamang ay ipinagdiwang natin ang Buwan ng Wikang Pambansa. Suot ang magagarang barong at filipiniana, parang sirang plaka nating ipinangalandakan na mahal natin ang ating sariling atin. Ngunit, hindi dapat natatapos tuwing Agosto ang pagmamahal sa Filipino. Ang Saligang Batas ay hindi dapat manatiling banyaga. Dapat itong isalin sa Filipino—at higit pa, sa iba pang mga wika ng ating bayan. Ang batas dito sa ating bansa ay hindi dapat maging pribilehiyo ng iilan. Kung tunay na para sa mamamayan ang Konstitusyon, nararapat na isulat ito sa wikang kanilang sinasalita at naiintindihan. Wikang binibigkas ng Inang Bayan.



Isinulat ni Adam Vincent Perez
Iniwasto ni Harris Donmoen Iligan
Iginuhit ni Edgar SeƱoron

Erratum: The previous version of the editorial overlooked the existence of the Filipino version of the Philippine Constitution. Additionally, the updated version added a perspective to include the translation of the Constitution not just in Filipino but also in other native languages.

Post a Comment

Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!