Puting hibla ng Takipsilim



Ang paglagaslas ng huling dahon sa puno ay simbolo ng pagsibol ng bagong panahon. Katulad sa buhay ng isang tao — isa itong siklikal na proseso. Mula sa mumunting hakbang ng isang bata hanggang sa mabilang na lamang na mga yapak bunsod ng katandaan, ang buhay natin ay hiram lamang; may hangganan. Sa bisa ng Proklamasyon Bilang 470, ang Linggo ng mga Pilipinong Matatanda ay idinaraos tuwing ika-1 hanggang 7 ng Oktubre na may temang “Embracing Age: Living a Life with Dignity and Purpose” ngayong taon. Isang linggo upang alalahanin ang kanilang halaga at pagpapaalala na sila ay kapaki-pakinabang na bahagi ng ating lipunan.


Maihahambing ang katandaan sa punong nakapagbunga at kinalimutan na lamang matapos ang ani. Ang pagdiriwang sa Linggo ng mga Pilipinong Matatanda ay maihahalintulad sa punong pinitas na ang mga bunga—hindi na pinapansin at tila nawalan na ng halaga. Gayunpaman, bago tuluyang salubungin ang bagong buwan, tayo ay magbalik tanaw sa pagsisimula ng Oktubre kasama ang mga lolo’t lola na pamana ng panahon. Mistulang mga tanglaw na nagbigay liwanag sa landas ng kasalukuyan.


Ang paggunita sa Linggo ng mga Nakatatanda ay alay ng pasasalamat at pagpupugay sa kanilang mga yapak na naging ugat ng ating pagkakakilanlan. Sa bawat aral na iniwan at halimbawang ipinasa, umuusbong ang kulturang itutuloy ng kabataan—isang pamana ng pagmamahal, dangal, at buhay na walang hanggan sa alaala ng sambayanang Pilipino.


Kasabay ng pagdiriwang na ito ang paggunita sa Buwan ng mga Katutubo. Isang pagpupugay hindi lamang sa mga tao, kundi sa mayamang kultura at tradisyong kanilang iniukit sa ating kasaysayan. Sila ang mga ninunong humubog sa kulturang ating pinagyayaman ngayon. Ang tunay na pagpapahalaga sa mga nakatatanda ay hindi nasusukat sa mga gawaing pisikal, kundi sa pag-alala at pagkilala sa kanilang mga ambag na patuloy na nagbibigay-buhay sa ating pagkatao.


Nawa’y magsilbing paalala ang bawat hibla ng puting buhok sa karunungan at karanasan ng ating mga nakatatanda. Ang bawat kabataan ay tagapagdala ng diwa ng kanilang mga lolo’t lola, mga tagapag-ingat ng alaala, kultura, at dangal ng lahi. Habang nagpapatuloy ang agos ng panahon, sikapin nating maging tulad nila, mga ilaw na nagbibigay liwanag sa susunod pang salinlahi.


Ang mga matatanda ang siyang simula at kinabukasan—ang ating pinanggalingan at patutunguhan. Silang matatanda ang kasama natin sa pagsalubong ng Oktubre at dadalhin patungo sa susunod pang mga buwan bitbit ang kanilang pamana.


Isinulat ni Jocel Mae Latris
Iniwasto ni Adam Vincent Perez
Iginuhit ni Edgar Sonoron II

Post a Comment

Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!