Upang lalong mapaunlad ang wika, panitikan, at kultura sa panahon ng makabagong panahon, isinagawa ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Mindanao State University - Iligan Institute of Technology (MSU-IIT) ang ANI 2025: Ika-9 na Simposyum sa Pananaliksik at Pagtuturo ng Filipino at Panitikan, na ginanap sa pamamagitan ng Zoom at Facebook Live noong Miyerkules, Disyembre 4, 2025.
Dala ang temang “AI at Pagbabago sa Pagtuturo at Pananaliksik sa Wika, Panitikan, Kultura at Lipunan: Mga Hamon at Oportunidad sa Panahon ng Digital,” pinagsama ng simposyum ang iba’t ibang iskolar, mananaliksik, guro, at mag-aaral upang talakayin ang mabilis na pag-usbong ng Artificial Intelligence at ang implikasyon nito sa edukasyon at pananaliksik.
Pormal na binuksan ni Assoc. Prof. Danilyn T. Abingosa, Ph.D., tserperson ng DFP, ang simposyum sa isang pambungad na pananalita. Ipinahayag niyang ang pagtitipon ay patunay ng patuloy na misyon ng departamento bilang daluyan ng kaalaman at tagapagtaguyod ng kulturang Pilipino, wika, at panitikan.
Binalikan din niya ang pagsisimula ng ANI Lecture Series noong 2019, na layong maghatid ng mahahalagang kaalaman at bagong pananaw sa pag-aaral ng wika at panitikan.
Katulad ng kahulugan ng ani, na tumutukoy sa pag-aani ng mga hinog na bunga mula sa puno, layunin ng programa ang pag-aani ng mga bagong kaalaman mula sa mga eksperto upang magbigay ng mas malinaw na direksyon at mas malawak na perspektiba sa pagharap sa digital na panahon.
Unang naglahad ng kaalaman sa malikhaing pagsulat si Prof. Denmark S. Soco mula sa Manila Tytana Colleges sa kanyang diskusyon na “Kaugalingong Kaagi, Kaanguhan og Kaugmaon sa Panahon ng AI.”
Tinukoy niya ang limitasyon ng AI sa larangan ng panitikan. Bagaman may kakayahan itong magbigay ng mabilis na impormasyon, hindi nito kayang palitan ang karanasan, emosyon, at lalim ng pagninilay ng tao.
Ibinahagi ni Prof. Soco ang kaniyang karanasan bilang manunulat mula sa Mt. Diwalwal, Monkayo, Davao de Oro, kung saan malinaw na ang mga kuwento ng komunidad at karanasan ng mga minero ay hindi maaaring ipalit ng AI.
“Bagama't mabilis/instant ang AI ngunit ang panitikan ay nangangailangan ng paglubog, pag-unawa, pakikisangkot sa lipunan upang makalikha ng akdang sasalamin sa kultura ng tao at ng pamayanan,” paalala niya.
Tinalakay naman ni Asst. Prof. Saddam C. Bazer, Ph.D., ng UP Diliman, ang paggamit ng AI sa pagdidisenyo ng kurikulum at pagpapahusay ng pagtuturo. Binigyang-diin niya na ang AI ay isang reyalidad na dapat tanggapin at gamitin nang may katalinuhan at etika. Ang papel ng guro ay nananatili at sila pa rin ang magpapatunay at mag-aayos ng anumang nilikha ng AI, lalo na sa konteksto ng Philippine education system.
Ayon kay Dr. Bazer, ang AI ay hindi isang banta, bagkus isa itong kakampi sa larangan ng pagtuturo. Aniya, ang AI ay nangyayari na kaya dapat itong subukan upang maintindihan ang wastong paggamit nito, lalo sa loob ng silid-aralan.
Pinagpatuloy ni Prof. Rabby Q. Lavilles, Ph.D., direktor ng Center for Pedagogical Innovations, MSU-IIT ang diskurso sa pamamagitan ng interaktibong presentasyon tungkol sa discriminative AI, gaya ng Google search, at generative AI na lumilikha ng bagong content.
Inilalahad na ang AI ay isang “prediction engine” na inuuna ang plausibility kaysa katotohanan, kaya’t maaaring magbigay ito ng maling impormasyon. Gayunman, maaari itong maging kasangkapan sa pagtuturo, pagkatuto, at pagbuo ng makabagong pedagogical approaches.
Nagbigay si Prof. Lavilles ng mga quiz upang gawing interaktibo ang diskusyon. Ipinunto niya na “We are the fact-checkers. We cannot use AI as an author,” dahil ang AI ay isa lamang administrative assistant at kailangan suriing mabuti ang impormasyong ibinibigay nito.
Bagamat kapaki-pakinabang, maaari rin itong magdulot ng overreliance. “AI will not replace teachers, but teachers who know how to use AI will be more empowered than those who don’t,” dagdag niya.
Nagbigay rin ng panayam si Roojil Fadillah, Lc., M.Pd.I., mula sa Universitas Muhammadiyah Yogyakarta sa Indonesia, na tumalakay sa paggamit ng AI sa pananaliksik at akademikong responsibilidad ng mga iskolar sa panahon ng digital. Binigyang-diin niya ang etikal na paggamit ng AI sa konteksto ng pananaliksik at pagsusuri ng datos.
Sa kanyang diskusyon sa “AI in Language Teaching,” tinuro niya ang kaibahan ng Critical Human Input (CHI) at Artificial Intelligence (AI). Sa CHI nakasalalay ang Ethics, Wisdom, and Context—mga katangiang hindi kayang gayahin ng makina. Aniya, “Don’t just ask the students to remember, ask them to apply their knowledge.”
Upang mas mapalalim ang pagkatuto ng bawat isa, sinundan ang mga presentasyon ng workshops na nakatuon sa iba’t ibang disiplina—mula sa pagtuturo ng panitikan, wika, at kultura, hanggang sa digital pedagogy, ethics, at polisiya sa AI. Layunin na makabuo ng konkretong action plan para sa paggamit ng AI sa pagtuturo at pananaliksik.
Sa pagtatapos, nagbigay ng panapos na pananalita si Asst. Prof. Loi Vincent C. Deriada, MA., direktor ng ANI 2025. Aniya, ang mga workshop ay nagsisilbing “launching pad” sa pagbuo ng action plan na maaaring gamitin ng mga guro at mananaliksik sa pagpaplano ng pagtuturo at pananaliksik.Iniwan niya ang tanong: “Handa na ba tayo mag-adapt sa mundo ng AI?”
Sa kabuuan, naging matagumpay ang ANI 2025 sa paglatag ng mas malawak na pag-unawa sa papel ng AI sa akademya. Bagama't maraming hamon ang paggamit nito tulad ng etika, integridad, at tamang implementasyon, mas marami itong maaaring ihandog na oportunidad kung gagamitin nang responsable at kritikal.
Sa pagtanaw sa ANI 2026, handa ang Departamento ng Filipino at Panitikan na muling maglatag ng panibagong ani ng karunungan—nag-iiwan ng masaganang “ani” ng kaalaman at inspirasyon para sa lahat ng nagtataguyod ng makabagong edukasyon.
Isinulat ni Xercys Nicolle Awa at Rona Marie Julaica Alison
Iniwasto ni Adam Vincent Perez
Layout ni Ricardo Jose Gagno

Post a Comment
Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!