
Muling ipinamalas ng mga mag-aaral sa ikatlong taon ng programang Batsilyer ng Sining sa Panitikan ng Departamento ng Filipino at Panitikan ang PASUNDAYAG 2025, isang makabuluhang pagtatanghal na nagbigay-buhay sa mga nilalang ng poklor ng Pilipinas, na ginanap sa New Lobby ng Kolehiyo ng mga Sining at Agham Panlipunan (CASS) noong Disyembre 16.
Sa temang “Ani ng Alamat: Pagpupugay sa Yaman ng Panitikang-Bayan,” layunin ng pasundayag na ipakita ang kahalagahan ng poklor sa gitna ng mabilis na pag-usbong ng teknolohiya at modernisasyon.
Gayundin ang kahalagahan ng pagpapanatili ng mga alamat at mitolohiyang Pilipino bilang bahagi ng kultura at kasaysayan ng bansa.
Sa pagbubukas ng programa, binigyang-diin ni Asst. Prof. Kristine H. Aron ng Departamento ng Filipino at Panitikan na ang PASUNDAYAG ay hindi lamang isang pagtatanghal ng sining kundi isang pagbabalik sa mga ugat ng pagka-Pilipino.
Dagdag pa ni Aron, ito ay pagpupugay sa mga ninuno at panata ng mga mag-aaral na ipagpatuloy ang mayamang pamana ng kulturang Pilipino.
Ipinakita ng PASUNDAYAG na ang kultura ay hindi lamang mananatili sa mga aklat kundi patuloy na mabubuhay sa malikhaing pagsasabuhay ng mga mag-aaral.
May sampung nilalang sa poklor ang itinanghal, kabilang sina Mandurugo, Indarapatra, Taake, Tonong, Haliya, Sigbin, Tiyanak, Anitun Tabu, Bakunawa, at Oryol. Ilan sa mga nilalang na ito ay hindi pamilyar sa ilang manonood, subalit matagumpay na naipakilala sa pamamagitan ng malikhaing presentasyon.
Isa sa mga inabangan ng mga dumalo ay ang Pasundayag Icon 2025, kung saan ay isinabuhay nila ang mga nilalang sa poklor.
Itinanghal bilang Second Runner-Up ang gumanap kay Haliya, si Rycil S. Delfinado.
Ayon sa kaniya, layunin ng kaniyang pagganap na maipakilala si Haliya, ang diyosa ng buwan mula sa mitolohiyang Bikolano, at maipaliwanag ang mahalagang papel nito sa panitikang-bayan ng Pilipinas.
Samantala, First Runner-Up naman si Regine Lee G. Librado na gumanap bilang Tiyanak.
Ibinahagi niya sa panayam na ang pagbuo ng ulo ng Tiyanak ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng kanilang paghahanda. Subalit, sa kabila ng mga hamon, sinabi niyang naging sulit ang kanilang pagsisikap sapagkat matagumpay na nailahad nila ang layunin ng kanilang pagtatanghal na hindi manakot, kundi ipakita ang Tiyanak bilang isang nilalang na hinahanap ang kaniyang ina.
Pinarangalan bilang Kampeyon at PASUNDAYAG ICON 2025 ang gumanap kay Oryol na si Shirille O. Bulahaan.
Ayon sa kaniya, hinango ang kaniyang pagganap sa pagkakakilanlan ni Oryol, isang nilalang mula sa mitolohiyang Bikol, na inilalarawan bilang kalahating tao at kalahating ahas na may kakayahang mang-akit at manlinlang.
Ibinahagi niya sa isang panayam na umabot ng dalawa hanggang tatlong linggo ang kanilang paghahanda, lalo na sa paggawa ng buong kasuotan.
Bilang pagtatapos ng programa, nagbigay ng mensahe si Assoc. Prof. Marina G. Quilab, propesor ng asignaturang PN124: Poklor ng Pilipinas.
Ayon sa kaniya, mahalaga ang poklor sa paghubog ng pananaw ng mamamayan sapagkat ito ang nagbibigay-liwanag sa nakaraan at nag-uugnay sa kasalukuyan.
Dagdag pa niya, bagama’t may mga paniniwalang maaaring hindi na umaayon sa makabagong panahon, nananatiling mahalaga ang poklor bilang salaysay ng lahi at pagkakaisa ng mga Pilipino.
Sa huli, naging matagumpay ang PASUNDAYAG 2025 sa pagsasabuhay ng poklor ng Pilipinas na nagpatunay sa kakayahan ng mga mag-aaral na pagsamahin ang sining, kaalaman, at kultura sa isang makabuluhang pagtatanghal.
Sulat ni Xercys Nicolle L. Awa
Iniwasto ni Adam Vincent Perez
Mga kuha ni Jahna Quinga
Post a Comment
Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!