Sulong Pagalit: Pagbawi ng Karapatang Ipinagkait



Sa kabila ng pitumpu’t-pitong taong mula nang ipagtibay ang Universal Declaration of Human Rights, nananatili ang malawakang paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas: mula sa bilyong pisong naiwalang pondo hanggang sa substandard na pabahay ng biktima ng Yolanda. Kahapon, bilang bahagi ng Anti-Corruption Day, muli nating itinindig ang ating paninindigan laban sa katiwalian, isang paalala na ang hustisya at karapatang pantao ay hindi lamang papel na pinirmahan, ito ay dapat na isinasabuhay.


Madalas isipin na ang pakikibaka para sa karapatang pantao ay laban na nalampasan na, isang kabanatang tapos na sa kasaysayan. Ngunit ang realidad ay kabaligtaran. Sa pinakahuling Corruption Perceptions Index, nananatili ang Pilipinas sa ika-114 sa 180 bansa, patunay ng malalim na epekto ng korapsyong nadarama sa bansa at ang mismong mga karapatang ipinaglaban ng mundo ay patuloy na sinisira ng ganid sa kapangyarihan at bulok na pamamahala.


Taon-taon, inilalantad ng Commission on Audit (COA) ang bilyon-bilyong pisong hindi maliquidate o may “deficiencies,” tulad ng P138 bilyong lokal na proyekto ng DPWH noong 2024 na hindi naipatupad nang maayos dahil sa kakulangan sa pagpaplano at monitoring. Masyadong kumportable ang nasa kapangyarihan, at masyadong tahimik ang mga institusyong dapat nagbabantay sa kanila. Ang korapsyon ay hindi lamang pagnanakaw, ito ay hayagang paglabag sa karapatang mabuhay nang ligtas at may dignidad.


Kamakailan lamang, muli na namang lumutang ang mga anomalya sa bilyon-bilyong pisong flood control projects. Sa halip na proteksyon laban sa sakuna, naging daluyan ito ng pansariling yaman ng mga sakim. Sa bawat pisong nawala na dapat sana ay pondo para sa proteksyon, maraming pamilyang lulubog sa baha, tahanang mawawasak, at buhay na masisira. Ang hagupit na hatid ng mga delubyo ay mas pinapalala ng mapinsalang epekto ng korapsyon.


Isa rito ang multo ng Yolanda Permanent Housing Program, kung saan higit isang dekada na ang nakalilipas, marami pa ring benepisaryong patuloy na pinagkaitan ng maayos na bahay. Sa tinagal-tagal ng proyekto: apat na taon bago maturnover sa LGU at pitong taon bago tuluyang matapos, palpak pa rin ang pagkakagawa nito. Nagkakaisa ang daing ng mga residente dahil sa substandard na konstruksiyon, mula sa kawalan ng bintana at pintuan hanggang sa kawalang ayos na sistema ng tubig. Hindi lamang pambibigo, isang lantarang kabastusan ang pagpapaasa sa mga taong nilugmok na ng kalamidad. Kapag mismong gobyerno ang nagpapalala ng pagdurusa, hindi nakakapagtaka kung bakit patuloy na nalulunod sa kahirapan ang nakararami.


Ang korapsyon ay hindi lamang simpleng pagnanakaw, ang pinsalang dala nito ay tumatagas sa pang-araw araw na pamumuhay ng bawat isa. Ito ay isang karumal-dumal na krimen na tumatangay sa pag-asa at kumikitil sa pangarap ng mga mamamayang naghahangad ng magandang buhay at lumalaban ng patas. Dahil kapag ninakawan ang bayan, hindi lamang pera ang nawawala, kasama nitong ninanakaw ang pagkakataon, kinabukasan, at dignidad ng bawat Pilipino. Kapag ang proyekto ay minadali, tinapyasan, o inabandona, ang epekto ay komunidad na laging nasa bingit ng sakuna. Ang panganib ng bagyo ay hindi mapipigil, ngunit ang pahamak ng korapsyon ay kayang wakasan.


Madalas naririnig na “walang pera ang Pilipinas,” ngunit ang katotohanan ay hindi kakulangan sa badyet ang problema, kundi ang paglustay nito. At dahil dito, hindi ang pamahalaan ang nagiging sandigan sa oras ng pangangailangan, kundi ang mismong mamamayan. Sa katunayan, lumawak ang pagtutulungan at pakikipagkapwa sa bansa hindi dahil matatag ang estado, kundi dahil kailangang punan ng lipunan ang mga tungkuling hindi natutupad ng gobyerno. Mula pa noong kolonyal na panahon hanggang sa Martial Law, umusbong ang libo-libong people’s organizations, kooperatiba, at NGO upang gampanan ang mga serbisyong dapat sana ay pangunahing responsibilidad ng estado. Ayon sa Asian Development Bank, tinatayang nasa 249,000 hanggang 497,000 ang civil society organizations sa Pilipinas, isang malinaw na patunay na bayanihan ang nagbubuhat sa bayang matagal nang binibigo ng institusyon.


Sa bawat kalamidad, bayanihan ang sumasalo, hindi ang pamahalaang dapat umaagapay. Sa bawat krisis, mamamayan ang nag-aambagan, samantalang ang gobyerno ay nagkukubli sa kapalpakan. Ang kabutihang puso ng tao ay nagiging pansalo ng bulok na sistema. Ngunit ang resiliency ng mamamayan ay hindi dapat gawing normal o inaasahan; ang katatagan ay hindi kapalit ng responsibilidad ng estado. Ang realidad na ito ay pagtalikod sa sinumpaang tungkulin na dapat ay pangalagaan ng mga liderato ang karapatang-pantao ng kanilang nasasakupan.


At kung minsan, imbes na ayusin ang sistema, panakip-butás lamang na solusyon ang ibinibigay ng pamahalaan sa anyo ng pera. Halimbawa, inilipat ng Budget Amendment and Revision Sub-Committee (BARC) ang P116.3 bilyon mula sa P255.5 bilyong proposed 2026 DPWH budget upang ang karamihan nito ay mapondohan ang mga programang pang-ayuda. Ngunit, hindi sapat ang ayuda dahil hindi nito tinatanggal ang ugat ng problema. Dapat itong maging paalala na ang sistemang bulok ay hindi matutugunan ng pansamantalang tulong, at ang hustisya ay nangangailangan ng mas matagal at sistematikong aksyon.


Bagama’t may mga hakbang na isinagawa, tulad ng imbestigasyon sa mga anomalya sa DPWH, paglipat ng pondo, at paglalabas ng SALN ng ilang opisyal, madalas ay hindi sapat upang matiyak ang pananagutan at tuluyang wakasan ang sikulo ng katiwalian. Ang mga hakbang na ito ay kadalasang reaktibo lamang, lumilitaw kapag may eskandalo o matinding pampublikong presyur. Kapag natapos ang pansamantalang atensyon ng publiko, bumabalik ang sistema sa dati nitong takbo, na pumapahintulot sa paglago ng katiwalian sa ilalim ng pagtatakip ng ilan sa pamahalaan. Sa ganitong paraan, kahit may kilos, hindi ito nagreresulta sa pangmatagalang pagbabago.


Bukod dito, ang pansin ng publiko sa mga isyu ng katiwalian ay maikli at panandalian lamang. Sa bawat malaking isyu na nababalita, mabilis ding nakakalimutan at napapalitan ng bagong balita o iskandalo. Dahil dito, ang galit at panawagan para sa hustisya ay hindi natutuloy sa sistematikong aksyon, at ang korapsyon ay nananatiling buhay. Kaya’t kahit may mga hakbang, nananatiling mahalaga na bitbitin ang galit at paniningil sa hustisya, upang ang pansamantalang aksyon ay maging simula ng tuloy-tuloy at kolektibong pagkilos laban sa katiwalian.


Sa direksyon ng santaunang rebelasyon patungkol sa korapsyon, hindi pa tapos ang laban hangga’t walang nananagot. Hindi dapat nauubos ang galit hangga’t hindi napuputol ang sikulo ng katiwalian. Hindi nararapat ang tahimik na pagtitiis. Hindi sapat ang payapang pakikibaka. Napapanahon ng maalab na kolektibong pagkalampag para sa paniningil ng hustisya.


Ang pakikibaka para sa karapatang pantao ay hindi responsibilidad ng isang tao o isang ahensya lamang, ito ay laban ng buong bayan. At ang pagbuwag sa sistemang tumatapak sa karapatang-pantao ay nagsisimula sa pinakamakapangyarihan nating sandata: ang pagboto, pagpili ng mga lider na inuuna ang bayan, hindi ang pansariling interes. Pagpili ng mga opisyal na handang magpa-audit, magpakita ng SALN, at managot sa batas. Kaakibat ng lahat ng ito ay ang pakikilahok sa pag-kwestiyon sa mga nailuklok at ang patuloy na pag-giit sa ating mga karapatan.


Nitong Nobyembre 30, sa mismong kaarawan ng Ama ng Rebolusyon na si Andres Bonifacio, muling sumiklab ang Trillion Peso March. Isa itong paalala na may apoy pa sa puso ng mga Pilipino. At ang pagsukbo ng malawig na suliranan katulad ng korapsyon ay mangyayari kung patuloy nating pag-aalabin ang apoy na ito.


Bitbitin ang galit hanggang may makulong. Bitbitin hanggang maibalik ang perang ninakaw. Bitbitin hanggang maibigay ang buhay na karapat-dapat. Bitbitin hanggang sa susunod na eleksyon. Hanggang sa ang lahat ay may pagkakaisa, pagkakapantay-pantay, at may payapang pamumuhay. Ang araw na ito ay hindi dapat manatiling simpleng pag-alala na ang bawat sentimong naibulsa ay pagyurak sa karapatang mabuhay at ang bawat ganid ay insulto sa dignidad bagkus magsilbing hudyat din ito ng kritikal na pagkilos. Sapagkat, ang ating mga karapatan ay may kaakibat na responsibilidad hindi lamang sa ating mga sarili kundi para sa bawat tao.


Editorial ni Ayesah Lantud

Iginuhit ni Jazztine Eve Paragoso



Post a Comment

Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!