Nakita ko ang pag-ibig mula sa kuko hanggang sa paa, mula sa bukung-bukong hanggang sa tuhod ng naglalako ng taho. Ang kanyang aluminyo na sisidlan ay nakasandal sa balikat, habang walang humpay ang ulan mula sa langit. Ang tubig ay umabot sa kanyang maong habang hinahatak ang mga binti, ngunit siya’y yumuyuko pasulong, binibilang ang bawat barya, umaasang may maiuuwi sa kaarawan ng anak
Habang umaakyat ang tubig sa binti ng binata, ang parehong binata na kanina lamang ay bumili ng taho para sa kanyang lolong nangangahoy para makapagluto. Humaplos ang tubig sa tuhod ng isang kulubot na lalaking tinatawag ang babaeng buntis, habang nakahawak siya sa kahoy na kanina lang ay binilad, umaasang matutuyo ito sa ilalim ng araw upang makapagsimula ng maliit na apoy. Kasabay nito, umusbong ang tubig sa baywang ng babaeng nakahawak sa lumulobong tiyan. Ngayon, dumadampi ang tubig sa dibdib ng batang babae habang hinihintay ang kanyang ama; ang kaarawan ay sinalubong ng ulan, at walang ibang hiling kundi ang kaligtasan.
At kung akala nila na ito ay humihinto hanggang sa dibdib, tayo lang ang nakakaalam na ito’y hindi humuhupa roon. Bumabalot ito sa buong katawan, umaakyat sa balikat, sa leeg, hanggang sa mata. At nakita mo rin, naninirahan ito sa malabong paningin ng isang matandang babae habang tinatawid niya ang nagngangalit na baha. Hirap man sa paghinga, at kahit hindi na malinaw ang kanyang mata, nasaksihan niya ang kanyang marupok na hakbang na ginagabayan ng magaspang na mga kamay ng estranghero nakalagay sa balikat ang aluminyo, punong-puno ng mainit na taho.
Sinabihan na kita, wala ang puso sa dibdib.
Ang puso ay nasa mata,
sa paningin, sa pagtingin,
sa patuloy na pagpili na tumingin,
at mula rito, bumabalot ito sa buong katawan.
At sana, nakita mo rin, ang pag-ibig ay patuloy na umaalon, kasabay ng pulso ng ugat na nilalamig at gutom.
Sinabihan mo rin ako, hindi ba?
Narinig ko sa iyong mga mata habang tayo’y sabay na nalulunod sa iisang baha.
Sapagkat dumating ang Araw ng mga Puso, hindi sa mga talulot ng bulaklak, hindi sa laso o pulang lobo, kundi sa putik na tubig, hinalo sa pawis at luha ng mga matang nagmamalasakit.
Written by Thea Maristelle Pusod
Art by Akitha Gracia Cadutdut
.png)
Post a Comment
Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!