Panitikan sa Gitna ng Pandaigdigang Krisis, Tampok sa Sukit-Sukit ng DFP


Kaakibat ng layuning itanghal ang panitikan bilang salamin ng lipunan, pinangunahan ng mga mag-aaral sa ikalawang antas ng programang BA Panitikan ng Departamento ng Filipino at Panitikan ang panglimang iterasyon ng “Sukit-Sukit” sa Pananaliksik Pampanitikan na may temang “Panitikang Pagbabanyuhay: Pagluwal ng Kontemporaryong Pananaliksik bilang Tugon sa Pandaigdigang Krisis,” na ginanap sa CHS Hall noong Miyerkules, ika-6 ng Mayo.


Ibinahagi ni Katuwang na Propesor Loi Vincent C. Deriada na ang terminong “Sukit-Sukit” ay nagmula sa konsepto ng pag-usisa. Tulad ng pamimitas ng bunga, maraming aral at kamulatan ang maaaring mahinuha mula sa pagbabasa at pananaliksik pampanitikan.


Binigyang-diin din niya na ang nasabing aktibidad ay hindi lamang isang simpleng bahagi ng kahingian pang-akademiko, kundi isang mas malawak na pagpapahalaga sa panitikan at ang paggamit nito bilang paunang hakbang tungo sa kamulatan at paglaban.


“It's basically a first step for them [students], makikita nila kung bakit sila nagsasagawa, bakit sila kailangan mag-ulat, makipag-ugnayan pa, maki-alam sa kung ano yung mga issues ng mga manggagawa, tao, lahat. This researches could help those people na hindi sila nag-iisa, may mga estudyanteng tulad ng ganito na patuloy na nakikialam para maituwid yung dapat maituwid sa sistema,” dagdag ni Deriada.


Sa iterasyong ito, labindalawang (12) pananaliksik ang iniharap sa naturang kolokyum, na nakasentro sa iba’t ibang panlipunang isyu tulad ng aborsyon at representasyon ng kababaihan, sistematikong kapabayaan at inhustisya, migrasyon, kahirapan, at digitalisasyon.


Tinanghal na pinakamahusay na pag-aaral ang “Buhay ang Panitikan: Isang Kwalitatibong Pagsusuri sa Podcast bilang Tulay ng Tradisyunal at Kontemporaryong Panitikan,” ang pananaliksik nina Jackylou Borongan.


Layunin nitong suriin kung paano nananatiling buhay at umuusbong ang panitikan sa kabila ng lumiliit na pagpapahalaga rito.


Binigyang-diin ng pag-aaral na ang makabagong midya tulad ng podcast ay mahalagang kasangkapan sa pagpapanatili, pagpapalaganap, at pagpapaunlad ng panitikan sa kasalukuyan at sa susunod na henerasyon.


Dagdag ng mga mananaliksik, “Gigamit namo ang podcast tungod kay aside sa nakitaan namo siya ug elementong pampanitikan, kay kanang kuan sab mo attract siya sa audience kay pwede nimo siya paminawon anytime balag nag-unsa ka.”


Samantala, mula sa lente ng kanilang pag-aaral, binigyang-diin ni Leigh Largo na hindi dapat ituring ang aborsyon bilang isang karumal-dumal na krimen, at ipinahayag niya ang kaniyang pagsuporta sa legalisasyon nito.


Sa kanilang pagtalakay sa pelikulang “Sunshine,” inilarawan niya ang pag-iral ng mga panlipunan at moral na limitasyon kaugnay ng usapin ng aborsyon.


Gayunpaman, sa personal na antas, iginiit niya na hindi dapat ang naturang limitasyon ang siyang mangibabaw sa pagbuo ng desisyon, kundi dapat kilalanin ang karapatan ng kababaihan sa malayang pagpili ng walang pagtatakda mula ninuman.


Sa isang panayam naman kay Kathlyn Kate Daganasol, Batsilyer ng Sining sa Panitikan - IV, binalikan niya ang kaniyang unang karanasan ng paglahok sa naturang kolokyum, kung saan siya rin ay nakapagpresenta.


Ayon sa kaniya malayo-layo na ang kanilang narating hindi lamang sa larangan ng pananaliksik pampanitikan kundi maging sa mas malawak na pag-unawa at pagtataguyod dito bilang isang makabuluhan at disiplinadong larangan, sa halip na ituring lamang na isang ordinaryong asignatura.


Sa gitna ng patuloy na pagliit ng espasyo para sa Filipino, Panitikan, at Humanidades sa kurikulum pang-edukasyon, naghayag si Daganasol ng kaniyang saloobin at panawagan sa mga kinauukulan, partikular sa Commission on Higher Education, na sana ay higit pang mapalawak ang pagtingin at pagpapahalaga sa panitikan.


Para sa kaniya, ang panitikan ay hindi lamang isang asignatura, kundi isang mahalagang bahagi ng identidad at karangalan ng mga Pilipino.


“If I were to speak sa higher ups sa CHED, I would say mas bigyang pagpapakahalaga ang panitikan dahil hindi lang ito teksto,” mungkahi niya.


Hinggil naman sa Artificial Intelligence, nagbigay ng puna ang isang kalahok na bagama’t may presensya ng AI, mas nagiging makatotohanan ang panitikan kung ito ay nagmumula sa tunay na karanasan at malikhaing pag-iisip.


Hango ang tema ng kolokyum sa kasalukuyang mga kaganapan at suliraning hinaharap natin, na may pagbibigay-diin sa ugnayan ng panitikan at lipunan. Matatandaang nito lamang Abril ay ipinagdiwang ng bansa ang Pambansang Buwan ng Panitikan bilang pagkilala sa kadakilaan ng Panitikang Pilipino.



Isinulat ni Adrian Ala
Iniwasto ni Adam Vincent Perez
Mga kuha ni Andrea Karla Deligero at Jocel Mae Latris

Post a Comment

Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!