.png)
Labing-anim na pulgada na ang buhok ko ngayon. Apat na taon ko itong pinataas—sino ang humiling?
A. Pantasya ng bakla na magkaroon ng ganito kahabang buhok, mula Grade 7 hanggang senior high school. Kada clearance signing sa principal, gusto ko na lang magsuot ng wig na pang-semento ang buhok. Dapat 2 by 3 ang gupit, hindi dapat dumampi ang buhok sa tenga, at gunting agad kapag lumagpas. Ang baklang ayaw magpagupit, kung anu-ano na lang ang naiisip para makalusot at mapirmahan ang clearance. Gumamit ng “Ma’am, bawal na po ’yan according to DepEd” o sumingit ng clearance slip sa ibang kaklase para mapirmahan, o nagtago sa gilid ng opisina para ’di makita yung buhok. Sa isang Kristiyanong establisimyento, gusto nilang patunayan na may kapangyarihan sila sa kanilang mga estudyante. Ipinupuwersa ang mga walang kuwentang tuntunin; pinapakialaman ang buhok na wala namang kinalaman sa pagiging estudyante. Hindi naman ako gaanong katalino, pero isa rin akong masipag na estudyante. Walang kinalaman ang buhok ko sa pag-aaral ko. Para raw sa uniformity, para raw malinis tingnan, para raw pare-pareho kaming lahat. Pero hindi mo makukulong ang tao sa kung ano ang gusto mo. Magkakaiba kaming lahat. Bilang baklang gustong mahaba ang buhok, tiniis ko ang kabataan ko na kada buwan ay pinapaalalahanang nawawala ang pagiging sarili ko sa bawat gupit ng buhok.
B. Bagong buhay sa college. Mas malawak ang mga posibilidad para sa pagiging ako. Nagka-boyfriend, sumali sa mga organisasyong wala akong karanasan, at higit sa lahat, pinahaba ko ang buhok ko. Wala nang Charity na nagbabantang gupitin ang buhok ko o hindi ako papayagang mag-exam. Wala na rin ang mga magulang ko na halos lahat ng utos ng simbahan ay ipinapakain sa aming bibig. Mga limang pulgada na ang buhok ko noon nang magkita kami ulit ng mga magulang ko. Bakit daw hindi ako nagpagupit? Mukha raw akong babae. Ano raw ba ang ginagawa ko sa IIT? Nagpi-pills na raw ba ako? Gusto ko raw bang maging babae? Mukha raw akong kinakaliti. Ang palabang bading na may kaunting kaalaman tungkol sa pagiging bakla ay nakipaglaban. Nag-away pa kami noon kasi buhok ko ito. Wala nang ibang taong dapat may kontrol sa buhok ko—ako lang. Dito ko nakikita ang sarili ko. Pinabayaan na rin nila ako matapos kong sabihin na wala naman itong kinalaman sa pag-aaral ko. Rizal Lister pa rin naman ang bakla nilang anak. Nagkatotoo ang pantasya. Mula limang pulgada, naging walo, naging dose, at ngayon ay labing-anim na. Hanggang dibdib na ang haba. Mas mahaba pa sa buhok ng mama at mga sisterette ko. Hair flip dito, hair flip doon, suklay sa umaga at gabi. Para akong maitim na bersyon ni Rapunzel.
C. Ngayon, summer internship sa Maynila, parang may mga bahagi ng sarili ko na unti-unting lumuluwag. Hindi ko iyon matanggap noon. Hindi ko alam kung hindi ko matanggap o hindi lang ako sanay. Sabi ng kaibigan ko, ano raw ang ginagawa ko rito at lalo akong nafe-feminize. Sabi ko, baka sa buhok o sa mga mannerism na natutunan ko sa mga taong inspirasyon ko. Akala ko buhok lang ang gusto ko. Akala ko simpleng paghaba lang ito ng buhok. Pero habang humahaba ito, may iba pang mga bahagi ng sarili ko ang lumalabas. Nagsuot ako ng mga palda at nagsimulang mag-make-up gamit ang mga brush na kinuha ko sa sisterette number two ko. Siya pa nga ang nagbigay ng tips sa akin kung paano maglagay ng foundation—parang nagkabaliktad kasi ako ang nagturo sa kanya tungkol sa fashion at style; ngayon, siya naman ang nagtuturo sa akin. Pero bakit ganito ang pakiramdam ko? Gusto ko ito. Nag-eenjoy ako sa mga ginagawa ko. Pero bakit gusto kong gupitin ang buhok ko? Gusto ko bang maging semento ulit? Ito ba ay nanggagaling sa akin o mula sa isang kulturang mas pinapaboran ang semento sa lahat—sa relasyon, pagmamahal, at atensyon? Bakit ngayong puwede na akong maging ako, gusto ko ulit magbago? Ilang taon akong nagtiis na pahabain ang buhok ko, pero ngayong puwede ko na itong ibalandra, gusto ko naman itong gupitin? Hindi ito dahil sa init sa QC. Hindi rin dahil sa kulot kong buhok na kailangan pang i-maintain. Dahil ba mukhang babae na ako? Dahil ba tinatawag akong “ma’am” ng mga security guard o ni Ate sa eatery? Gusto kong maging totoo sa sarili ko, pero hindi ko maintindihan kung ano talaga ang gusto ko at kung ano ang nakuha ko mula sa kulturang semento. Nag-gym ako nang tatlong buwan para magpaka-semento. Huminto ako dahil hindi iyon ang gusto ko. Taon-taon kong kinakalkal kung sino ba talaga ako: semento o tubig?
D. Yung pagbabago—does it come from loving yourself to the point of growth, or hating yourself to the point of change? Gusto kong magbago, pero ano ang batayan ko? Dahil ba hindi ko gusto ang sarili ko? O dahil mahal ko ang sarili ko kaya dapat akong magbago? Iyon din ang punto kung bakit puwede tayong hindi pumili. Sa mundong puno ng binaryo na pinipilit akong pumili, puwede naman akong manatili sa liminality. Puwede akong hindi pumili.
Minsan gusto kong maging cemento.
Minsan gusto kong maging tubig.
Kadalasan, pareho.
At may mga araw na wala ako sa dalawa.
Matigas o malambot—may pagitan at may lampas pa roon.
Written by Samuel Harry Adlaon
Post a Comment
Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!