Bukas Ang Salita: Ikaapat na Salindunong, Ika-18 Komprehensiya; Ugnayan ng MSU-IIT sa Labas ng Bansa


Matagumpay na naisagawa ang ikaapat na Salindunong at ika-18 Pambansang Komprehensiya sa Filipino, Panitikan, at Pananaliksik ng Departamento ng Filipino at Panitikan (DFP) ng Mindanao State University-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT), kasama ang Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman (DFP, UPD) at Department of Philippines Studies ng University of Osaka (DPS, OU), noong Setyembre 16-18.


Umabot sa mahigit 150 ang mga pag-aaral na naisumite para sa Salindunong ngayon. Dinaluhan ito ng iba’t ibang mga mag-aaral at kagawaran mula sa Japan, Indonesia, Hawaii, Poland, Malaysia, gayundin ng mga kalahok mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.


Pinasimulan ng Dekana sa Kolehiyo ng Sining at Agham Panlipunan, Prof. Marie Joy D. Banawa, PhD, ang kaganapan. Binigyang-diin niya ang papel at kahalagahan ng panitikan hindi lamang sa kultura kundi maging sa pagpapabuti ng komunidad


“Words can cross borders that geography cannot. They can give voice, preserve cultures that might otherwise be forgotten, and create spaces for where people from different backgrounds can meet and understand one another.” ayon kay Prof. Banawa.


Nagbigay rin ng pambungad na mensahe sa ngalan ng MSU-IIT si Prof. Alizedney M. Ditucalan, JD, PhD, Chancellor ng unibersidad. “Sa pamamagitan ng wika, naipapahayag natin ating mga pangarap, karanasan at pananaw sa buhay.”


Nagpaabot din ng mensahe sa ngalan ng internasyonal na ugnayan si Prof. Joey Genevieve T. Martinez, PhD, Vice-Chancellor for International Affairs ng MSU-IIT, at binigyang-halaga ang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Japan bilang patunay ng kahalagahan ng wika at panitikan sa pag-uugnay ng mga bansa.


Ibinahagi nina Asst. Prof. Schedar D. Jocson, MA, Chairperson, DFP, UPD at Prof. Satoshi Miyawaki, PhD, Chairperson, DPS-UO, ang kahalagahan ng Salindunong bilang pagpapatibay sa wika at ugnayan sa labas ng Pilipinas.


Ang aktibidad ay kinapalooban ng lektyur at plenaryong sesyon upang maibahagi ng mga mananaliksik ang kanilang mga akademikong papel. Matapos ang mga presentasyon, binigyan ang mga kalahok ng panahon upang magtanong sa mga manunulat.


Sa unang araw, ibinahagi nina Dr. Gyo Miyahara ng Department of Philippines Studies, School of Foreign Studies, University of Osaka, ang “Voiceless Narratives: Sinitic Mobility to the Philippine Islands and the Polyphonic Hometown”.


Nagbahagi rin si Assoc. Prof. Patricia Nora Riget ng Faculty of Languages and Linguistics, University of Malaya, tungkol sa “Teaching Languages, Building Peace: The Transformative Role of Higher Education”


Ang tinig ay hindi lamang nakapaloob sa berbal na pagpapahayag kundi maging sa mga bagay na naglalaman ng kasaysayan. Mula sa kanilang mga ibinahagi, binigyang-halaga ang tinig bilang susi ng pagkakaunawaan.


Para sa ikalawang araw, nagbahagi si Assoc. Prof. Kristine H. Aron ng DFP, MSU-IIT ng “Language Policy Framework: Theories, Research, and Institutional Applications in Multilingual Contexts” habang si Dr. Joanna Szerszunowicz ng University of Bialystok, Poland, ay malugod na nagbahagi ng “Metaphor, Idiom, and Culture: Phraseology as a Tool for Global Understanding”. Pinuri rin ni Dr. Szerszunowicz ang kahusayan ng DFP, MSU-IIT sa pag-organisa ng aktibidad.


Ang kanilang mga lektyur ay nagbigay ng ideya sa ginagampanan ng wika bilang espasyo para sa mga taong may iba’t ibang lenggwahe sa paglipas ng panahon; nagsisilbi itong kultural na representasyon ng kultural na pananaw.


Ang magkabuhol na ugnayan ng wika, panitikan, at kapaligiran ay binigyang-diin naman ni Dr. Raniela E. Barbaza, DFP, UPD sa kanyang letyur na “Alawon, Panimbang sa Dinon-an: Katutubong Kaalaman ang Karunungan ng Bayan”.


Binigyang-halaga niya ang pagtatanggol sa bundok at lupain ng mga katutubo; ang dinon-an sa pangatlong araw ng Salindunong.


Sa kanyang pagtatapos, muli niyang ipinaalala ang “No to Pax Silica!”


Ang Salindunong at komprehensiya ay hindi lamang espasyo upang ibahagi ang mga kaalaman sa sariling bayan kundi isa rin itong lugar ng pakikipagtalastasan ng mga karunungan mula sa ibang bansa. Dito, mas naidadalumat ang dunong at masisiguro na ang mga ito ay higit pang yayabong.


Sa pamamagitan ng Salindunong, ang kaalaman ay hindi nagtatapos sa papel; patuloy itong pinayayaman sa pamamagitan ng aktibong pakikipagtalastasan.


Isinulat ni Jocel Mae D. Latris
Iniwasto ni Fame Orong
Layout ni Dan Marielle Bermoy

Post a Comment

Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!