Bawat pagbukas ko ng aking account, bawat pindot at scroll—isang tanong ang hindi maiwasang sumagi sa aking isipan: anong kamangmangan na naman ang mapapanood o mababasa ko ngayon?
Hindi na bago sa akin ang makaharap ng mga pekeng balita. Naging pamilyar na ang galit at inis—mga damdaming kusang sumusulpot sa tuwing nakakasalamuha ako ng mga taong basta-basta na lamang nagbabahagi ng mga impormasyong hindi ko alam kung saang lupalop ng mundo nagmula.
Naaalala ko pa noong bata ako, labis-labis ang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng kaunlaran—kung gaano kahalaga ang paghakbang tungo sa pagbabago bilang isang lipunan. Kabilang sa mga leksyong napakinggan ko ay ang papel ng midya sa pagsulong ng mas abot-kamay na koneksyon sa mundo, pati na rin ang papel na ginagampanan nito sa pagpapadali ng komunikasyon at pagpapalawak ng kaalaman. Subalit, hindi naman bahagi ng aking mga napag-aralan sa elementarya at maging sa high school na kakambal pala ng impormasyong nasa dulo lamang ng ating mga daliri ang isang digmaang tila baga hugis-bilog na nakaukit sa pader—walang tiyak na simula at wakas. Maging ang anino ng sanhi at solusyon nito ay hindi mahagilap sapagkat sila ay nakakubli sa isang espasyong hindi nasisinagan ng araw.
Sa isang bansang may kabuuang 142 milyong aktibong cellular mobile connections, 97.5 milyong indibidwal na gumagamit ng internet, at online penetration na umaabot sa 83.8% noong unang bahagi pa lamang ng 2025 (Kemp, 2025), madaling makita ang papel na ginagampanan ng digital spaces sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Ngunit mayroong aspeto na kalimitang nakakaligtaan ng mga tao: kaakibat ng lumalawak na mundo at lumalalim na koneksyon ang pagdami ng impormasyong kailangan suriin at salain. Sa kasamaang palad, wala tayong maipapamalas na husay sa larangang ito.
Hindi mahirap ituring na pugad ng maling impormasyon ang Pilipinas, abot-kisame ang mga naglalakihang numero upang patunayan ito. Ayon sa resulta ng survey ng Pulse Asia noong Hulyo 2026, 72% ng mga adultong Pilipino ang itinuturing na malaking problema sa bansa ang paglaganap ng maling impormasyon. Isa pang nakababahalang natuklasan ng survey ay ang datos na 35% lamang ng mga Pilipino ang umaasa sa mga lehitimong organisasyon upang matukoy kung mapagkakatiwalaan ang impormasyong nakikita online, samantalang 33% ang nagsabing mas umaasa sila sa sarili nilang mga paniniwala. Kapag nahaharap naman sa magkakasalungat na impormasyon, mahigit 50% ang nagsabing sinusuri nila ang mga ito sa pamamagitan ng pagkonsulta sa isa pang mapagkakatiwalaang sanggunian.
Gayunman, isinaad ni Pulse Asia President Ronald Holmes na madalas din na hindi nagkakasundo ang mga tao kung aling mga sanggunian ang maituturing na mapagkakatiwalaan. Bukod dito, napag-alaman din na apat sa kada sampung Pilipino ang nagsabing mas may tendensiya silang maniwala sa mga post na malawakan nang naibahagi online. Dagdag pa ni Holmes, Facebook ang itinuturing na pangunahing plataporma sa malawakang pagpapalaganap ng impormasyon. Sa kasamaang palad, bukas ito sa publiko at walang mahigpit na mga regulasyon. Kahit pa i-report ang isang post bilang maling impormasyon, matagal bago ito maalis sa plataporma at sa oras na tuluyan na itong matanggal, maaaring nag-viral na ito. Ito ay lubusang nakapapangamba sapagkat masasabi nating walang binatbat ang pakpak ng balita at tainga ng lupa sa bilis ng pindot ng mga daliri na nagreresulta hindi lamang ng kalituhan sa masa, kundi pati na rin ng matinding polarisasyon.
Hindi ito isang suliraning ngayon lamang umusbong. Maging ang survey ng Pulse Asia noong 2022 ay nagpakita ng parehong nakababahalang resulta. Apat na taon na ang nakararaan mula nang mapag-alamang humigit-kumulang siyam sa bawat sampung Pilipino ang naniniwalang problema sa Pilipinas ang fake news. Ipinakita rin ng parehong survey na 90% ng mga Pilipino ang nakabasa, nakarinig, o nakapanood na ng pekeng impormasyong pampolitika. Dagdag pa rito ang pagtukoy ng 68% sa mga respondents sa social media at internet bilang pinagmumulan nila ng fake news. Maliban dito ay binanggit ng 67% ang telebisyon; 32% ang radyo; 28% ang mga kaibigan o kakilala; at 21% ang pamilya o mga kamag-anak bilang pinanggagalingan ng pekeng balitang pampulitika.
Hindi lahat ay may kasanayan sa pagsusuri ng mga impormasyong nakikita at nababasa sa midya at mga digital na sanggunian. Hindi rin naman lahat ay naturuan kung paano ito gawin. Sa panahon nating labis na hinuhubog ng teknolohiya ang ating bansa at maging ang buong mundo, masasabi ba nating mangmang ang mga taong hindi taglay ang kakayahang ito? Ang hindi pagkilatis sa impormasyon ng mga Pilipino ba ang maituturing na puno’t dulo ng modernong kaguluhang ito?
Maliban sa mga nabanggit, natuklasan din ng survey na para sa 58% ng mga adultong Pilipino, responsable ang mga social media influencer, blogger, at vlogger sa pagpapalaganap ng pekeng balitang pampolitika sa bansa. Ang mga residente ng Metro Manila (69%) at ng natitirang bahagi ng Luzon (67%) ay may ganitong pananaw. Sa kabilang banda, 67% sa mga residente ng Visayas ang naniniwalang ang mga national level na mga politiko ang nagpapakalat ng pekeng balita tungkol sa pamahalaan at politika. Sa Mindanao naman ay pinaniniwalaang ang pinagmumulan ng mga pekeng balita tungkol sa pamahalaan at mga politiko ay ang mga social media influencer (43%) at mga mamamahayag (41%). Ngayon, sino ba talaga ang tunay na problema: ang mga walang kakayahang kumilatis at sumuri o ang mga taong mapanglinlang at mapansamantala sa kahinaan ng mga ordinaryong Pilipino?
Mga taon na ang lumipas mula nang magsimula ang isyung ito at patuloy na tumataas ang bilang ng mga Pilipino na nawawalan ng tiwala sa midya kung saan 28% lamang ng mga respondent sa Pilipinas ang nagsabing nagtitiwala sila sa balita sa pangkalahatan (Chua, 2026). May mga hakbang ang pamahalaan upang labanan ang fake news kagaya na lamang ng Oplan Kontra Fake News na inilunsad ng Presidential Communications Office (PCO) noong Marso 2026. Layunin nitong palakasin ang pagpapalaganap ng beripikadong impormasyon, responsableng pagbabahagi ng balita, at kaalaman ng publiko sa pagsusuri ng impormasyon. Noong Abril 2026, iniulat din ng PCO na hiniling ng pamahalaan sa Meta Platforms Inc. na magpatupad ng mas mahigpit na hakbang laban sa mga maling impormasyong maaaring magdulot ng takot, kalituhan, o panganib sa publiko. Nagbabala rin ang pamahalaan tungkol sa posibleng legal na aksiyon laban sa kompanya kung hindi ito kikilos agad.
Ngunit sa kabila ng mga hakbang na ito, bakit patuloy na nagiging suliranin ang paglaganap ng maling impormasyon sa Pilipinas? May responsibilidad ang taumbayan na kilatisin ang mga impormasyong nasasalamuha nila sa mga espasyong digital, ngunit malaki rin ang responsibilidad ng pamahalaan na siguraduhing may sapat na access ang mga Pilipino upang mahasa ang kasanayang ito.
Ngayong linggo ng Global Media and Information Literacy, na may temang “We All Play a Part – Media and Information Literacy for the People,” hindi dapat tayo makuntento sa “pwede na”. Hindi natatapos ang laban patungo sa pagbabago sa mga plano. Nararapat na patuloy nating pag-usapan ang problema, magsalita, at manawagan hanggang sa makakita tayo ng konkretong resulta. Maaaring matawag na mangmang ang mga taong hindi marunong kumilatis ng impormasyon, ngunit hindi ba mas higit na mangmang ang mga taong patuloy na sumusuporta sa mga nagpapabigat ng problemang ito—na para bang mga tutang humahalik sa kamay ng mga taong kakatay sa kanila?
Nasa sa atin ang pagbabago—hindi lamang sa kakayahan nating turuan at paunlarin ang ating mga sarili at ang isa’t isa kundi pati na rin ang boses na taglay natin upang patuloy na manawagan, manindigan, at ipaglaban ang katotohanan. Sa panahong madaling maligaw sa gitna ng rumaragasang impormasyon—kung saan mas mabilis pa sa alon ang pagkalat ng kasinungalingan, mahalagang pairalin ang mapanuring pag-iisip, kilatisin ang bawat impormasyong ating natatanggap, at huwag basta magpadala sa agos ng mga paniniwalang walang matibay na batayan. Dapat nating tandaan na ang kaalaman ay hindi lamang nasusukat sa dami ng impormasyong ating nalalaman, kundi sa kakayahan nating gamitin ito nang may pananagutan.
Isinulat ni Sunfish with a Pen
Iniwasto ni Fame Orong
Layout ni Dan Marielle Bermoy
.png)
Post a Comment
Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!