may banal at natatanging paraan ang ating mga matatanda sa paghahayag ng wagas nilang pagmamahal. sa palihim na paghahatid ng salapi sa iyong nakasara at nakapinid na palad.
may sagradong ritwal munang isinasagawa bago pa man ilahad. titingin sa buong paligid, titiyakin na walang saksing makapagmamatyag. bubuksan ang lumang pitaka, at kukunin ang halagang matagal na nilang itinabi. maingat itong nakatupi sa gitna ng mga papeles at resibo, itinabi para lamang sa iyo.
dahan-dahan itong ilalagay sa iyong palad, isasara ang iyong mga daliri nang mahigpit at walang ingay. dadampi ang kanilang palad sa iyo—ang parehong palad na nag-alaga sa iyo mula pagkabata, ang palad na humahaplos sa iyong buhok, ang palad na humihilot sa iyong pagod, at ang palad ng laging nagtatanggol sa iyo. manunuot ang wagas na kagalakan sa iyong pagkatao, ngunit alam mong walang kayamanan sa mundo ang makatutumbas sa ganitong pagmamahal.
dahil hindi naman salapi ang kanilang ibinibigay. kung hindi puso at pagod. pag-unawa at sakripisyo.
written by Michaela Emanuele Sinto
Layout by Marie Izabelle Callo

Post a Comment
Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!