Ni Erica Abejuela
Inisa-isa ni CASS Bise Gobernador Juan Miguel Rodriguez ang buong detalye sa umano’y suliranin sa likidasyon ng College of Arts and Social Sciences Executive Council (CASS EC) noong nakaraang akademikong taon.
Ang pamumuno ay tungkol sa responsibilidad at pananagutan, hindi paggawa ng mga dahilan at katahimikan, sapagka’t karapatan ng mga mag-aaral na malaman ang buong katotohanan at hindi lamang ang kalahati nito
aniya sa isang eksklusibong panayam ng CASSAyuran.
Nitong nakaraan lang ay inamin ni CASS Governor Adin Ligsanan sa naunang eksklusibong panayam ang kanilang pagkukulang bilang lider. Aniya, naging problema ang pagbili ng mga kagamitan noong Palakasan 2019 na hindi nahingan ng opisyal na resibo.
Isinalaysay naman ni Rodriguez sa isang hiwalay na panayam ang kanyang mga nalalaman kung bakit may depisit sa nangyaring likidasyon.
Ayon sa kanya, nagkaroon ng problema sa alokasyon ng pera ang budget proposal na ginawa noong unang semestre ng akademikong taon 2019-2020, tulad ng overbudgeting at underbudgeting sa mga event, kaya hindi naisaayos ang paglabas ng perang inilaan sana para sa isang partikular na bagay. Isa umano sa mga rason nito ay ang biglaang gastos na lumampas sa orihinal na budget ng mga partikular na event tulad ng trainor fee, costume at iba pa.
Humantong ito sa paggamit ng pera galing sa Income Generating Project (IGP) ng CASS at solisitasyon para mapunan ang kakulangan sa pinansyal, ngunit hindi nairekord ang mga resibo ng bilihin gamit ang pera sa ilalim nito, kundi sa ibang event na tinubos. Dahil dito, hindi nakapagpasa ng kumpletong likidasyon sa perang ginamit mula sa IGP at solisitasyon ang CASS EC sa Office of Student Development and Services (OSDS).
Hindi rin umano nasunod ang tuntunin kung saan gagawa sila ng agarang likidasyon, dalawang linggo pagkatapos ng partikular na event kung kaya’t naipon at natambak ang lahat ng events na kailangan ng likidasyon sa dulo ng semestre.
Isa rin umano sa mga dahilan ng problema sa likidasyon ang pagkawala ng malaking halaga ng pera sa loob ng CASS EC office noong Setyembre 22, 2019 kung kailan ginanap ang Danztrack event. Ayon pa sa bise gobernador, walang opisyales ang handang humawak ng pera kaya inilagay na lamang nila ito sa opisina ng EC, at ilang buwan pa ang lumipas bago nila inireport ang insidente sa Security and Investigation Division (SID) kaya hindi na ito nabigyan ng solusyon.
Tulad nga ng nasabi ni CASS Gov. Ligsanan, kasalukuyang humaharap sa parusa ang CASS EC officers kung saan ipinababayad sa kanila ang humigit-kumulang 30,000 na perang nawala sa loob ng kanilang napagkasunduang panahon.
Post a Comment
Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!