![]() |
(Binahang pamilihang bayan at terminal sa Rosario, Agusan del Sur. ![]() |
Ni: Erica Abejuela
Lubog sa baha ang apat na bayan at isang syudad ng Agusan del Sur at ilan pang bahagi ng Mindanao sa walong oras na pag-ulan dala ng Tropical Depression Vicky kahapon, Nobyembre 18.
Umabot hanggang ulo ang lebel ng tubig baha partikular sa Bayugan City at mga lungsod ng San Francisco, Rosario, Santa Josefa at Trento. Naiulat ding binaha ang parte ng Davao Oriental, Davao de Oro, Agusan del Sur, Surigao del Sur, Surigao del Norte, Agusan del Norte at mga katabing lugar.
Batay sa update ng Department of Science and Technology - Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST - PAGASA), gumagalaw nang 25km/h pakanluran ang naturang ika-22 na bagyo sa Pilipinas.
Inihayag ng DOST - PAGASA sa isang press briefing kahapon, alas-sais nang umaga, ang mga lugar na kabilang sa Tropical Cyclone Wind Signal number 1, kabilang dito ang hilaga at gitnang bahagi ng Palawan kasama ang mga isla ng Calamian, Cuyo, at Cagayancillo. Sa Visayas, kabilang ang timog na bahagi ng Leyte, gitna at timog na porsyon ng Cebu, Bohol, Siquijor, Negros Oriental, Negros Occidental, Guimaras, timog at gitnang bahagi ng Iloilo, at ibabang bahagi ng Antique. Sa Mindanao naman kabilang ang Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Davao Oriental, Davao del Norte, Davao de Oro, Davao City, Camiguin, Bukidnon, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Maguindanao, Cotabato City, North Cotabato, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, bahaging timog sa Davao del Sur at Zamboanga del Norte.
Ayon kay Shal Rasco, estudyante ng Bachelor of Arts in History, na kasalukuyang nasa San Francisco, Agusan del Sur, ito umano ang unang beses na nakaranas ng matinding pagbaha ang kanilang lugar lalo na ang tatlong barangay ng San Francisco. Buti nalang aniya, nasa itaas na lugar ang barangay Alegria na kinaroroonan ng kanilang tahanan kaya hindi sila masyadong inabot ng tubig. Ngunit sinabi niya, nakaranas ng mahabang pagblackout ang kanilang lungsod.
Tinatayang pakanluran tungong hilagang kanluran ang galaw ng bagyo papunta sa Sulu Sea at maaari pang maglandfall sa Siquijor hanggang Negros Oriental o bahagi ng Misamis Occidental hanggang Zamboanga del Norte.
Samantala, inaasahan ang matinding pag-ulan sa Eastern Visayas ngayong araw, at Bicol Region naman sa Sabado ng gabi hanggang Linggo ng gabi. Inaasahang lalabas ang bagyo sa Sulu Sea na dadaan sa northern-central na parte ng Palawan bukas, linggo ng hapon o gabi.
Post a Comment
Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!