Bagong-Luma: Kagitingan ng mga Bayaning Pilipino



by Adam Vincent Perez

Eksaktong 82 taon ang nakalilipas, ang Bataan ay napasakamay ng mga Hapon na naghudyat sa isa sa mga pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng ating bansa. Ginapos, piniringan, at pinaglakad ng halos 100 kilometro. Ilan lamang iyan sa kalapastanganang ginawa sa taon ding iyon. Ngunit sa gitna ng dilim, umusbong at namutawi ang kislap ng Kagitingan ng mga bayaning hindi nagpasiil sa mga mapang-aping mananakop. Ang kanilang masidhing pagmamahal sa bayan at katapangan maharap man sa matinding hamon ay ating ginugunita taon-taon. Ilang dekada ang lumipas, buhay pa rin ba ang kagitingan sa puso ng mga Pinoy? Nasaan na ang mga bayani ng modernong panahon?


Silang nasa ibayong dagat.

Sa pangako ng kaginhawaan, ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) ay nakipagsapalaran sa ibayong dagat upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga pamilya. Hindi nila inalintana ang hirap na mapalayo sa kanilang pamilya at tinitiis ang bigat ng trabaho maibsan lang ang kalam na sikmura ng kani-kanilang pamilyang naghihintay sa bawat perang padala. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (2024), pumalo sa humigit-kumulang 2 trilyon ang kabuuang kita ng mga OFW sa tuwing sila ay nagpapadala ng pera mula sa mga dayuhang bansa. Bayani silang maituturing hindi lamang sa kanilang pagsasakripisyo para sa kanilang mga mahal sa buhay, kundi dahil na rin sa napakalaking halaga ng remittances na kanilang pinapasok sa bansa. Malaking perang nawa’y ginagamit ng pamahalaan upang lalong mapaunlad ang ating bayan.


Silang mga bantay ng kalikasan.

Aktibistang maituturing, ang mga bayaning ito ay patuloy na lumalaban para makamtan natin ang radikal na pagbabagong matagal na nating inaasam. Ang mga problemang tila hindi masawata at patuloy na nagiging sagabal sa ating pagtahak tungo sa pagbabago. Isa na rito ay ang problema natin sa kalikasan, na siya namang agarang tinugunan ng mga aktibistang madalas pasaringan bilang mga abala, perwisyo, o di naman kaya ay panggulo. Ito ay masasalamin sa naganap noong 2015 na kung saan isang grupo ng mga aktibista ang nagtungo sa Commission on Human Rights at nais panagutin ang mga kompanyang walang pakundangang gumagawa ng mga bagay na maaaring makasama sa kalikasan. Ang kanilang hakbang na ito ay nagdulot ng pangmatagalang lunas laban sa mga lasong nagmumula sa mga mapaminsalang kompanya na maaring makasira sa kalikasan.


Silang mga bayani ng Hapag-Kainan.

Ang mga bayaning ito ay hindi nagsusuot ng makukulay na kapa, kundi salakot na panlaban sa init ng panahon: ang mga magsasaka. Sila ang dahilan kung bakit tayo ay mayroong pagkain sa ating mga hapag-kainan. Ayon sa Philippine Statistics Authority (2024), 1.78 trilyon pesos ang kabuuang kita ng sektor ng agrikultura ng ating bansa. Nakakalungkot lamang isipin na kung sino pa yung araw-araw na nagsasaka ng pagkain ay sila pa yung hirap makakain ng 3 beses sa isang araw. Ang mga bayaning ito ay biktima rin ng bulok ng sistema dito sa ating bansa na imbes matulungan upang umunlad, sila ay nahuhulog sa mga bitag ng mga mapanlamang na nakakataas.

Lambat naman ang pangunahing armas ng mga bayaning ito: ang mga mangingisda. Sila ang naatasang manghuli ng mga isda at iba pang yamang-dagat ng ating bansa. Tayo ay biniyayaan ng mayamang karagatan na marahil ay siya ring dulot kung bakit ang mga bayaning ito ay nanganganib sa bawat pagpalaot nila sa araw-araw. Nahumaling ang Tsina sa kinang at yaman ng ating Scarborough Shoal na kung saan ay iginigiit pa nilang ito ay sakop ng kanilang diumanong “9 dash line”. Nito lamang Enero 12, taong kasalukuyan, isang bangkang pangisdaan ay binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard at binalaan pang huwag nang mangisda pa ulit sa nasabing lugar. Ang mga bayaning ito ay likas na matapang at matatag, ngunit kung hindi sila mabibigyan ng karampatang tulong at patnubay mula sa ating pamahalaan, maaring dumating ang panahon na ang mga bayaning ito ay maglaho bunsod ng samu’t-saring suliraning kinakaharap.


Bagong-Luma.

Ganyan namin ilalarawan ang Kagitingan na likas sa ating mga Pilipino. Ito ay isang lumang konsepto na sa atin; marahil ay likas nang nakapunla sa ating mga puso’t isipan. Sa mga panahong tayo ay sinakop ng mga dayuhan, ang kagitingang ito ay nagsilbi nating kalasag at sandata na siyang pumutol sa tanikalang nakapulupot sa ating kalayaan. Sa makabagong panahon, ang kagitingang ito ay hindi naglaho ngunit nag ibang-anyo lamang. Nagsulputan na rin ang iba’t-ibang makabagong bayani na buong tapang na humaharap sa mga suliraning kailangang maalpasan. Marahil bunsod ito sa makabagong pasaning kinakaharap nating mga Pilipino. Ngayong Araw ng Kagitingan, habang tayo ay umaawit sa harap ng ating watawat, isipin natin ang kagitingang namumutawi sa ating lahi na syang nagpalaya sa ating bayan noon at siya ring gagamitin natin upang malampasan ang hamon ng kinabukasan. Isang pangmalakasang pagpupugay para sa ating mga natatanging Pilipinong Bayani.

Post a Comment

Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!