Buwan ng Wika 2024: Matagumpay na Sinalubong ng Pagdiriwang at Talakayan

Pinangunahan ng Departamento ng Filipino at Ibang mga Wika (DFIW) at KAPILAS-Bayan ng College of Arts and Social Sciences (CASS) ang matagumpay na pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa MSU-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT) na may temang “Wikang Filipino: Wikang Mapagpalaya”, noong Agosto 7, Miyerkules. Layunin ng pagdiriwang na ito na bigyang-diin ang mahalagang papel ng wikang Filipino sa pagkakaisa ng mga Pilipino, sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa malayang pagpapahayag ng mga saloobin, mithiin, at pagmamahal sa bayan.


Mula sa gitna ng Kolehiyo ng Sining at Panlipunang Agham, nakatayo ang luntiang isla kung saan ang pista sa nayon ay pinangunahan ng mga mga-aaral. Puno ng himig ng mga kantang hango sa wikang Filipino at etnikong awit, habang ang mga dumalo ay suot ang kanilang mga kaakit-akit na katutubong kasuotan, barong Tagalog, at etnikong pananamit na nagpapagising sa makabayang diwa ng bawat isa. Nakahain rin ang mga lutong pambahay na taos-pusong inihanda para sa lahat, tulad ng kakanin, kutsinta, pater, at iba pang masasarap na pagkain na hango mula sa mga pagkaing sentro iba’t ibang bayan tuwing may handaan. Talagang masasabi na bitbit ng pagbubukas na ito ang ang kabuluhan ng diwa ng Pilipinong walang makakahalili.

Sa kanyang pambungad na salita, malugod na binati ni Prof. Danilyn T. Abingosa ang mga dumalo at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapahalaga sa mga katutubong wika na unti-unting naglalaho. Hinimok niya ang lahat na gamitin ang buwang ito at maging ang iba pang buwan bilang pagkakataon upang ipagdiwang at itaguyod ang ating wika.

Sumunod naman si Prof. Marie Joy D. Banawa, dekana ng College of Arts and Social Sciences (CASS), na nagbigay ng espesyal na mensahe. Ipinahayag niya ang kanyang tuwa sa patuloy na pagdami ng mga estudyanteng kumukuha ng mga kursong may kinalaman sa Filipino, na para sa kanya ay isang malinaw na indikasyon na mayroon pang mga kabataang nagmamahal at nagtatanggol sa ating wika, ang puso ng Pilipino.

Tampok din sa programa ang mga espesyal na pagtatanghal ng ilang estudyante. Nangunguna rito ang nakakapukaw-damdaming pagtutula ukol sa mga isyu ng pagkawala ng ating wika, kabilang na rin ang Tanong at Sagot na may kaugnayan sa tema. Isa sa mga naging sagot ay, "Wikang mapagpalaya ang Filipino dahil binubuklod tayo sa iisang lingwahe, kahit iba-iba ang ating mga salita." Hindi rin nagpahuli ang mga primadonna sa mala-tawag ng tanghalang pag-awit. Nakakabighani talagang masaksihan ang talento ng mga mag-aaral, pati na rin ang isang di-inaasahang pasiklaban sa kantang Original Pinoy Music (OPM) ng mga estudyante at guro.

Ayon kay Enylry John Semblante, isang 2nd year BA Panitikan na mag-aaral, "Ngayong labis ang ating pagtangkilik sa teknolohiya at mga dayuhang kultura, mahalaga na ipagyayaman natin ang kulturang Filipino sa ating kapwa estudyante dahil mas mabuting itanim natin ito nang maaga upang sumibol ito para sa kinabukasan." Kahit na malayo pa ang Welcoming Week, naroon na ang ilang freshies, kabilang si Alyza Mae Ablon, isang 1st year BA Panitikan. Ayon sa kanya, nakaka-overwhelm ang kanyang unang impresyon sa kung paano magdiwang ang mga IITians, ngunit pakiramdam niya na "empowered" ang kanyang loob sa selebrasyong ito.

Pagdating ng hapon, maiging ipinaliwanag ang lektyur ukol sa "Marami nga eh ano naman? Ang Kahalagahan at Katuturan ng Linggwistik na Dibersidad" na ipinahayag nina Dr. Jem R. Javier at Ms. Patricia Anne Y. Asuncion mula sa Unibersidad ng Pilipinas - Diliman. Dinagsa ito ng maraming mausisang mag-aaral upang pakinggan ang kanilang mga kaalaman.

Tunay na selebrasyon ito na walang pinipili—mapa-estudyante man o guro, isa ang diwa bilang Pilipino at ito’y bigyang diin and wikang Filipino. Sa mga susunod na araw, nakatakdang bubungad ang ilan pang hanay ng mga programa na angkop sa pagbibigay halaga sa diwa ng selebrasyon.


About the Author

Author bio image

Jazel Ann A. Maghilum

A mystical woodland creature that has landed her place here in the city of Iligan and is now studying at MSU IIT. She is Jazz, a BS Psychology student and an alien that hopes to publish her own book someday. Continuing her life here in CASSayuran as a feature writer, she wishes that, like her senior writers, she can also contribute great things to this organization and perhaps the betterment of the school. She is also an OSPF peer facilitator and lives on by writing poems and making weird art, which are her best loved ways to express herself. Other than that, she joined CASSayuran, hoping to get the chance to pursue her passion of writing, and thankfully she did.


Post a Comment

Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!