ni Jocel Mae Latris
Lulan ng pamamaalam ng Agosto ang mga alaala ng mga Pilipinong ipinagdiwang ang Buwan ng Wika. Pinatunayan ng Kabataang Pilipinong Aakay sa Bayan (KAPILAS-Bayan) ang kahalagahan ng okasyong ito, na hindi lamang limitado sa buwan ng Agosto, sa pamamagitan ng pagdaraos ng pampinid na programa sa Buwan ng Wikang Pambansa 2024 noong Setyembre 4 sa College of Arts and Social Sciences (CASS) na aktibong nilahokan ng Departamento ng Filipino at Panitikan (DFP).
Para kay Jaynelle Juanillo, isang 3rd-year BA Filipino na mag-aaral at kasalukuyang mayor ng KAPILAS-Bayan, ang aktibidad na ito ay nagsisilbing paalala sa mga mag-aaral kung bakit ito ginunita ng bansa sa buwan ng Agosto. Gayunpaman, ang Buwan ng Wika ay hindi lamang pang isang buwan na selebrasyon; ito ay selebrasyong namamayagpag sa buong taon, ano man ang panahon.
Ayon kay Mayor Juanillo, maaari nating ipagdiwang ang Buwan ng Wika araw-araw. Ito ay nagpapahiwatig na ang diwa sa pagbubunyi ng Buwan ng Wika ay maaaring gawin ano man ang okasyon sapagkat sinasalamin nito ang batibot na halaga ng ating wikang pambansa sa pang-araw-araw na buhay.
Sa pangkalahatan, binibigyang diin ng buwan ng Agosto ang kahalagahan ng wikang Filipino sa edukasyon, komunikasyon, at ugnayang panlipunan; binubuhay ang kaluluwa ng pagkakakilanlan sa bawat Pilipino, kasabay ang mga kuwento sa likod ng pinag-isang pamana mula sa nakaraan na pinagtagpi ng magkakaibang komunidad.
Kasalukuyan mang humaharap sa hamon sa patuloy na paggamit, giit ni Juanillo, “Ang aktibong partisipasyon ng kabataan sa mga pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay nagsisiguro na ang kahalagahan ng ating wika ay naipapasa sa susunod na henerasyon.
Ang “Buwan ng Wikang Pambansa 2024: Pampinid na Programa” ng KAPILAS-Bayan ay nagbigay-diin na ang paggunita ng wika ay pagpapahayag ng pagkakakilanlan. Ngunit, ang pagyakap ng wikang Filipino ay hindi isang panandaliang pagkilala sa pinagmulan, sa halip ay pag-asa sa isang hinaharap na bunsod ng paglinang at pagpapahalaga sa wika.
Post a Comment
Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!