
Nagpulong ang Departamento ng Filipino at Panitikan (DFP) at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong Pebrero 19, 2026 sa University Boardroom ng Mindanao State University - Iligan Institute of Technology (MSU-IIT) upang talakayin ang planong pagbuo ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK) sa unibersidad.
Layunin ng pagpupulong na magtatag ng kolaborasyon para sa pagpapayaman at pagpapalago ng mga wika sa Pilipinas.
Pinangunahan ito nina Atty. Marites A. Barrios Taran, Tagapangulo ng KWF, at Fultaym Komisyoner ng KWF Carmelita C. Abdurahman ang pagpapakilala ng SWK na dinaluhan din naman ng mga Propesor mula sa DFP at dekana ng Kolehiyo ng Sining at Agham Panlipunan.
Ang DFP, bilang tahanan sa maraming mga pananaliksik na nadadalumat sa kulturang Mindanawon, ay nais maging isa sa mga tagapangasiwa sa proyektong SWK.
Saklaw ng inisyatibang ito ang buong pamayanang mag-aaral ng MSU-IIT, na naglalayong higit pang pagtibayin ang wikang Filipino habang itinatanghal sa pambansang entablado ang mga panrehiyonal at panlalawigang wika.
Naniniwala ang KWF na sa pamamagitan ng pananaliksik at gabay ng mga dalubhasa mula sa MSU-IIT, maisasakatuparan ang mithiing pagpapaunlad sa mga wikang Mindanaw.
Buong siglang sinimulan ang pagpupulong ni Dr. Danilyn T. Abingosa, Tserperson ng DFP. Sa kaniyang pambungad na mensahe, magiliw niyang tinanggap ang pagpupulong kasama ng kagawaran ng DFP.
Taos-puso namang ibinahagi ng dekana sa CASS ang mga naging tagumpay ng departamento sa kaniyang mensahe. Tiwala siya na ang ang planong pagtatag na ito ay bubunga ng positibong sitwasyon para sa kinabukasan ng wika, kultura, at panitikan.
Sa buhay ng wika, pulso nito ang bigkas. Ayon pa kay Kom. Abdurahman, walang ibang magmamahal sa sariling wika kundi ang nagsasalita rin nito.
“Kapag wika ang pinag-uusapan, walang ibang magmamahal nito, walang ibang magpapahalaga nito kundi tayo ring mga Pilipino,” giit niya.
Dagdag pa ng mga tagapagtaguyod ng proyekto, ang pagmamahal sa wika ay hindi nangangailangan ng karangyaan. Nagsisimula ito sa pagtangkilik at pagpapahalaga, na siyang nagtataguyod sa wika, kultura, at panitikan.
Sa isang bansang may samu’t saring pamayanan at wika, magsisilbing tulay ang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) upang mas mapalaganap ang mga ito sa bawat Pilipino. Bawat wikang binibigkas ay higit pa sa simpleng pagpapakilala; taglay nito ang kultura, kasaysayan, at panitikan ng komunidad.
Ibinahagi ni Atty. Barrios-Taran ang mga nais maisakatuparan ng SWK sa tulong ng DFP. Ilan sa mga ito ang pagiging kasangkapan SWK upang mapalalim ang ugnayan ng iba't ibang wika at kultura sa Pilipinas pati na rin ng mga gumagamit nito.
“Ang wika ang salamin ng pagkakakilanlan ng isang salinlahi,” dagdag niya.
Bagaman marami pang wika at kultura ang kailangang ipakilala, naniniwala ang mga pangunahing nagsusulong ng SWK na sa pamamagitan ng proyektong ito ay higit na maipapakita ang yaman ng kultura at wika ng Pilipinas sa bawat Pilipino.
Isinulat ni Jocel Mae Latris
Iniwasto ni John Vincent Balustre
Mga kuha ni Samuel Adrian Guerra
Post a Comment
Any comments and feedbacks? Share us your thoughts!